Epekto Ng Bagyong Maring Sa Ibaan, Sinuri ng MDRRMC

Sept. 12, 2017 |Lala E.  Esmana

Sa direktiba ni Mayor Danny Toreja, naglibot ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC)  sa mga barangay upang suriin ang naging epekto ng bagyong Maring,  September 12.

Pinagunahan ni MDRRMC Officer Gng. May Bagui at mga kasamahan na sina Engr. Lalen Salagubang, Annalisa Macatangay at Vanessa Nicolas ang monitoring sa lahat ng barangay na nasasakupan sa bayan ng Ibaan.

Unang pinuntahan ang Brgy. Balanga kung saan sa bungad pa lamang ng kalsada ay makikita na ang advisory na nagsasaad na not passable ang daan patawid sa kabilang ilog o sa mga barangay ng Catandala, Mabalor at Panghayaan.

Sa panayam, ipinahayag ni Kap. Amado de Castro na siya ay wala pang tulog sa buong magdamag sa pagsasagawa ng monitoring sa kanyang barangay.

Samantala, nasaksihan naman ng grupo ang nasabing spillway papuntang kabilang ilog na bahagyang tumaas ang tubing kaya naman hindi na ito ligtas pang daanan ng kahit ano mang sasakyan.

Umapaw naman ang mga kanal sa Brgy. Tulay dahilan upang bumaha sa kalsada kaya naman ang mga residente duon ay nagtulong tulong upang alisin ang bara nito sa pangunguna naman ni G. Nanding Hernandez.

Sa Brgy. San Agustin, Sitio Manggahan, umapaw ang tubig sa spillway kaya naman inalis ang mga nakahambang putol ng kawayan at dahon upang madaanan sa pangunguna naman ni G. Edilberto Ramos, Hepe ng Brgy. Tanod.

Sa isang banda, naging maayos naman ang daloy ng mga sasakyan sa kahabaan ng startoll way, habang passable naman ang mga tulay patungong Sabang.

Pansamantalang naging unpassable ang tulay papuntang Quilo sa laki ng baha at sa pagtutulungan ng mga kabarangay sa pangunguna ni Kap. Santiago Perez ay agad na nadaanan ito.

Samantala, nakaantabay naman ang medical health team at ambulansya sa tanggapan ng munisipyo.

Sa kabuuan, wala namang naiulat na pinsala o nasaktan ngunit pinaaalalahanan pa rin ang lahat na maging maingat at handa.

__________

Photos and story by Lala Esmana

Leave a comment